Filipino. Ito ang tinaguriang pambansang wika ng Pilipinas.
Dumaan ang bansa sa maraming pagsubok na makikita mula sa ating makulay na kasaysayan bago natin naatim ang pagkakaroon ng wikang sariling atin. Sa kasalukuyan, masasaksihan natin sa kapwa ang paggamit nito sa pang-araw-araw na buhay partikular kung tayo ay nasa bahay, paaralan, o kahit sa simpleng pakikipag-usap lamang sa mga nakakasalamuha natin sa kalsada. Gayunpaman, hindi mapagkakaila na ang Filipino ay madalang gamitin sa mga propesyon tulad ng abogasya, midya, negosyo at higit sa lahat sa mga larangan ng agham pangkalusugan tulad ng medisina at narsing.
Bilang isang nars, mahalagang linangin natin ang ating kasarinlan bilang Pilipino. Ang pagkilala sa ating lahi at ang wikang sinasalita natin ang nagbibigay paalala na hindi lamang tayo basta nars, kundi Pilipinong nars na laging handang magbigay ng kaukulang serbisyo sa ating mga pasyente. Isa sa mga napakahalagang kasanayan ng pagiging isang nars ay ang pagiging bihasa sa pakikipag-ugnayan at pakikipag-usap sa wikang Filipino. Ang wikang Filipino ang nagsisilbing daan para mas mapalapit ang nars sa pasyente. Nagbibigay ito ng pakiramdam sa pasyente na siya’y pinapahalagahan dahil ang nars na kumakausap sa kanya ay nagsusumikap na magkipag-usap sa paraan na kanyang nauunawaan. Base sa datos ni Zoleta (2022), 58.4% ng mga Pilipino ay napapabilang sa low-income class, kung ikukumpara sa mga Filipinong napapabilang sa middle-class (40%) at high-income class (1.4%). Ang mga napapabilang sa middle-class at high-income class ay nakakaintindi ng Ingles ngunit sa ating mga kababayang napapabilang sa low-income class, nahihirapan silang unawain ito buhat ng matagal na naghaharing krisis sa edukasyon sa bansa. Bukod sa paggamit ng wikang Filipino sa komunikasyon, binibigyang diin rin sa trabaho ng isang Pilipinong nars ang paglalahad ng oras upang ipaliwanag ang mga teknikal na termino sa pamilya ng pasyente o sa pasyente mismo ang kung anumang karamdaman o sakit na nararanasan niya.
Upang mahasa pa ang kasanayan ng mga estudyanteng nars sa komunikasyon gamit ang wikang Filipino, naging bahagi na ang Kontekstuwalisadong Komunikasyon sa Filipino (Filipino 1) at Panimulang Pagsasalin (Filipino 2) sa kurikulum ng Kolehiyo ng Narsing sa ating pamantasan. Naglalayon itong ituloy at lalong paunlarin ang intelektwalisasyon ng inang wika upang magamit ito sa pormal at wastong paraan sa sining o agham, lalo na sa pananaliksik at pagsulat ng iba pang tekstong pang-akademiko. Higit sa lahat, ang pangunahing adhikain ng mga kursong ito ay ang pataasin ang kalidad ng paggamit ng wikang Filipino sa iba’t-ibang propesyon tulad na lamang ng narsing.
Bilang isang Pilipinong nars ngayon o sa hinaharap, ating ipagmalaki ang sariling wika at gamitin itong sangkap upang mapalalim ang ugnayan at pagkakaunawaan sa mga kababayan nating nangangailangan ng ating kalinga.
Maligayang buwan ng wika at mabuhay ang mga Pilipinong nars!
Comments