Napadpad ka na ba sa EDSA? Oo EDSA, ‘yung pinakamahabang daan sa buong ka-Maynila-an. ‘Yong daang mausok? Maingay? Masikip? Puno ng mga sasakyan? Kung hindi ka pa napapadpad dito ay hayaan mo kaming isama ka sa isang paglalakbay–ang paglalakbay sa ating nakaraan.

Sa kasaysayan ng Pilipinas, may isang pag-aalsang hindi dinaan sa madugong paraan–isang rebolusyong isinulong sa lansangan gamit ang tapang at nagkakaisang tinig ng sambayanang Pilipino. Binansagang isang pinakamapayapang rebolusyon sa kasaysayan, ang Epifanio de los Santos Avenue o EDSA ay higit pa sa daang napupuno at sumisikip tuwing rush hour– ito ay isang daang nagtungo sa ating kalayaan. Saksi ng kalsadang ito ang iyak, hinaing, at pagkauhaw ng sambayanang Pilipino sa kalayaan mula sa rehimeng nagbalot sa ating bansa ng kadiliman at karahasan. Kung nakapagsasalita lamang ito ay tiyak marami itong makukuwento tungkol sa ating nakaraan–kung ano ang mga nasaksihan nito noong taong 1986. Sa loob ng maraming taon, sumailalim sa pamumuno ng isang diktador ang bansa, at sa kaniyang pamamahala, lumaganap ang panunupil, takot, at kawalan ng kalayaan. Ngunit sa kabila ng lahat ng ito, nanatiling buhay ang pag-asa ng sambayanan. Sa puso ng bawat Pilipino naroroon ang nagbabagang hangaring bawiin ang kalayaang ipinagkait sa kanila. Ang tagumpay ng EDSA Revolution ay bunga ng isang mahabang paglalakbay na binuo ng sakripisyo, tapang, at pananampalataya bago tuluyang nagbunga ng pagbabago.
Mula Pebrero 22-25 taong 1986, dumaloy ang hindi mabilang na mga Pilipino sa kahabaan ng EDSA upang ipahayag ang kanilang matibay na paninindigan laban sa diktadura. Sa halip na bala, ang dala nila’y panalangin at pag-asa; sa halip na galit, isinabuhay nila ang kapangyarihan ng pagkakaisa. Sa harap ng mga tangke at sundalo, matapang na nanindigan ang mamamayan para sa kanilang karapatan sa kalayaan. Isinantabi ang pagkakaiba-iba at nagsama-sama upang makamit ang iisang mithiin–ang maging boses ng mga pinatahimik, maging mga mata ng mga binulag ng mga kasinungalingan, maging mga tainga ng mga nagbibingi-bingihan sa sigaw ng paglabag ng karapatan, at maging mga paa ng mga hindi makatayo upang ipagtanggol ang sarili. Hindi nagtagal, nanaig ang tinig ng nagkakaisang Pilipino–isang tinig na nagpabagsak sa diktadura at nagpanumbalik ng demokrasya sa Pilipinas.
Hanggang sa kasalukuyan, ang EDSA People Power Revolution ay nananatiling liwanag sa ating kasaysayan–isang paalala na sa gitna ng pagsubok at pang-aapi, hindi matitinag ang tinig ng nagkakaisang bayan. Ito ay nagsisilbing buhay na patunay na ang tunay na lakas ng isang bansa ay hindi lamang nasa kamay ng iilan, kundi sa pagkakaisa at sama-samang paninindigan ng mamamayan para sa kalayaan at katarungan.
At sa bawat henerasyon, tungkulin natin ang panatilihing buhay ang diwa ng EDSA—hindi ito daanan na mausok, masikip, at puno ng sasakyan–bagkus ito ang daanan na nagtungo sa ating kalayaan.
Comments