top of page

Bigkas ng Kumpas

  • Francine Yuna S. Ibanez
  • Aug 31
  • 2 min read

Paano mo ipinahihiwatig ang pagmamahal mo? Sa pamamagitan ba ng pagbibigay ng bulaklak at regalo? O sa simpleng pagtapik sa balikat na ibig sabihin ay “Okay lang ito.” Puwede rin naman ang pagyakap sa minamahal mo na nagsasabing “Nandito lang ako.” Ang husay, hindi ba? Naipababatid natin ang gusto natin sabihin sa simpleng mga galaw lamang. Sa kabilang banda, mas gusto ng ibang tao na sabihin nalang ang mga nararamdaman nila; ang pagsasabi ng mga nais ipahiwatig nang direkta. Kung babanggitin ang salitang ‘wika’, tipikal na pumapasok sa isipan na ito’y binibigkas o lumalabas mula sa bibig–sinasalita. Ngunit hindi ba ang layunin ng wika ay maipahayag ang ating mga damdamin? Layunin nito na isatinig ang bawat saloobin. Paano na lamang ang mga may kapansanan sa pagsasalita at pangdinig? Para sa kanila ang bersyon nila ng wika ay ang Filipino Sign Language (FSL) o Wikang Pasenyas ng mga Pilipino na ginagamit para sila ay maintindihan.


Maaaring pamilyar na ang lahat sa ating mga kapwa na ang paraan ng pakikipagusap ay sa pamamagitan ng pagkumpas ng kanilang mga kamay. Kumpas ng bawat daliri at kilos ng kamay na sumisimbolo ng bawat letrang tumatagpi sa mga salita at pangungusap na ibig nilang i-komunika. Sa simpleng pagkurba lamang ng kamay, maaari na itong maging katumbas ng isang letra at sa sunod-sunod na palitan naman nito ay maaari nang makabuo ng pangungusap. Dahil sa kanilang kondisyon, inaaral nila ito. Ngunit, may mga tao ring inaaral ito kahit wala silang kondisyon na nakaaapekto sa kanilang kakayahan sa pakikipag-usap; maaring dahil sa posibilidad na may pamilyang nangangailangan nito o pagkamangha nila sa taglay na ganda nito. Hindi ba kamangha-mangha itong palitan ng mga salita na hindi sinasalita?


Sa larangan ng medisina naman, ang mga propesyonal na parte nito tulad ng mga nars,  bagamat hindi alam ang mismong wikang pasenyas, ang ilang simpleng aksyon ay maituturing ng mahalaga sa pakikipagkapwa. Bilang nars, parte na ng karaniwang araw ang pagiging saksi sa hindi mabilang na pakiramdam ng pagkabigo, kalungkutan, hinagpis, kagalakan, kasiyahan, at iba pang emosyong sumisirkula sa loob ng kanilang trabaho sa ospital. Ang mga kamay na buong araw na bukas-palad sa mga pasyente, ang pagmamadali para daluhan ang mga nangangailangan, ang mahihinang tapik sa mga pamilyang namatayan, at higit sa lahat, ang mga ngiting sumasalubong sa lahat at  hindi inaalis kahit pagod na. 


Hindi man agaran ang pagpasok sa isipan na parte ng wika ang mga banayad na mosyon ng katawan, nananatili pa rin itong makahulugan. Kung ang mga letra ay pinagsasama-sama para bigkasin nang pasalita, ang mga letra na binubuo ng mga daliri’t kamay ng Wikang Pasenyas ng mga Pilipino ay nananatili pa rin na kahanga-hanga. Ang suportang personal ng mga nars ay mahinahon kung tingnan, ngunit bumabalot naman ito sa mga pusong nananawagan. Bagama’t ang mga kumpas na ito ay maliit lamang, isang kilos na simple lang, o galaw na maaaring katiting lang kung titingnan mula sa perspektibong walang kahalagahan, lahat ng ito ay sumisigaw ng puntong may pinatutunayan na tila mga kumpas na bumibigkas.



 
 
 

Recent Posts

See All

Comments


bottom of page