Salamat, Nars, Salamat!
- Dexel L. Crisostomo at Edna Denisse F. Cortez
- May 1
- 2 min read
Ngayong ika-1 ng Mayo, sama-sama nating ipagdiwang ang Araw ng mga Manggagawa, isang mahalagang pagkakataon upang kilalanin at pasalamatan ang dedikasyon ng lahat ng manggagawa sa buong mundo. Isa sa mga karapat-dapat bigyang-pugay sa araw na ito ay ang mga nars. Sila ay maituturing bilang isa sa pinakamahalagang tao sa ospital hindi lamang dahil sa pampisikal na aspekto umiikot ang kanilang pag-aalaga sa mga pasyente, bagkus nagbibigay rin sila ng suportang pang-emosyonal kabilang ang dalisay na pagmamalasakit sa kapwa at pag-unawa sa pinagdaraanan ng bawat isa. Tunay nga na ang kanilang presensya ay nagbibigay seguridad, ang kanilang mga kamay ay nagpapagaling, at ang kanilang pagkalinga ay nagbibigay lakas lalo sa mga nawawalan ng pag-asa.

Hindi matatawaran ang sakripisyo ng mga nars na tila ba ang ospital na ang naging tahanan nito dahil kahit overtime na at underpaid pa ay masigasig pa rin ang mga itong magtrabaho. Mapa-gabi, madaling-araw, weekend, holiday, o kahit sila man ay may iniindang karamdaman, pinipili pa rin nilang pumasok dahil wala silang ibang naiisip kung hindi “Kapag wala kami, sino ang mag-aalaga sa mga pasyenteng nangangailangan?”. Mula sa ospital hanggang sa kasuluk-sulukan ng mga baryo, sa gitna ng pagod, puyat, at panganib, nariyan sila nananatiling matatag at maaasahan. Sa bawat tusok ng karayom, sa bawat pag-alalay sa paglakad, sa bawat pagbibigay ng gamot, sa bawat pagpapalit ng lampin, at sa bawat ngiting ipinapakita– dito mo masisilayan ang tunay na diwa ng serbisyo at malasakit.
Sa espesyal na araw na ito, ipinapaabot namin ang taos-pusong pasasalamat sa lahat ng mga nars para sa kanilang hindi matatawaran ambag sa lipunan. Hindi madaling maging nars ngunit ito kinakaya niyo sa ngalan ng pagmamahal sa bayan. Salamat sa pagpapaalala na ang pagiging nars ay hindi lamang isang propesyon kundi ito ay isang bokasyon.
Mabuhay ang mga manggagawang Pilipino! Mabuhay ang mga nars!
Komentar