Sa ika-3 baitang, kinukuha ng mga mag-aaral ng narsing ang asignaturang Panimulang Pagsasalin na kung saan inaasahang uunlad ang kanilang kasanayan sa paggamit ng wikang Filipino. Kung susuriin ang pagsasalin o translation sa madaling salita, aakalain ng nakararami na simple lamang ito. Ngunit, mapapaisip ka na lang kung wasto ba o may katuturan ang iyong nagawang salin habang ginagawa mo ang tamang proseso. Kung tutuusin, masalimuot ito sapagkat maraming tuntunin ang sinusunod dito. Dagdag pa rito, dumaraan rin ito sa mga serye ng ebalwasyon upang masigurong malinaw ang mensaheng nais iparating.
Maihahambing ang salitang "pagsasalin" sa isang roleta— ito ay hindi tiyak at pabago-bago. Tulad ng isang roletang patuloy na umiikot sa loob ng aksis nito, nagbibigay ito ng iba't ibang resulta o interpretasyon batay sa sitwasyon, konteksto, kaalaman ng mambabasa, at sa layunin ng pagsasalin. Bukod pa rito, ang roleta ay parang isang anyo rin ng pagsusugal– ito ay tsambahan; kapag nagsasalin, hindi palaging tumpak ang napipiling mga salita.
Sa larangan ng narsing, inaasahang hindi lahat ng pasyente ay may kaalaman sa Ingles. Kung kaya’t sa pamamagitan ng malinaw na pagsasalin, masisiguro nating mauunawaan ng ating mga pasyente ang kanilang kondisyon at ang mga hakbang na kailangan nilang gawin upang mapabuti ang kanilang kalagayan. Maliban dito, ang pagsasalin ay nakatutulong din sa pagpapalakas ng ugnayan sa pagitan ng mga nars at pasyente dahil mas madaling magkaunawaan kung mayroong wikang nagbubuklod-buklod sa atin.
Halina’t paunlarin ang narsing habang hindi kinalilimutan ang sariling wika natin!
Layout ni: Michaela Alyanna Dela Cruz
Comments