MULAT
November 06, 2026 | 12:00 P.M.
FILIPINO - “Bagyo na naman. Pati ako, binabagyo rin ng kamalasan eh.”
Habang binabagtas ang kahabaan ng España, rinig ko ang mahinang daing ng isang kapwa estudyante. Tulad ko, basang-basa at pagod habang pinapagpag ang payong sa lilim ng bus stop. Isang malalim na buntong-hininga ang inilabas ko nang masulyapan ang kumpol ng mga taong pilit isinisiksik ang kanilang mga sarili kung saan hindi aabutin ng baha ang kanilang mga panyapak. Ganoon na rin ang mga street vendors sa gilid na kay higpit ng kapit sa mumunting trapal na nagsisilbing panangga sa ulan, habang ang mainit-init nilang turon ay tila nakikipagsapalaran din sa gitna ng unos.
Bilang isang probinsyanang sanay sa halimuyak ng mga halamang naliligo sa ulan, lahat ng ito ay panibagong karanasan sa akin. Mga kanal na nag-uumapaw sa maruming tubig at basura. Mga sulok na pinamamahayan ng mga lamok. Mga ipis at daga na ginawang palaruan ang daan. At mga taong tila sanay na, o marahil napipilitan lamang na kayanin dahil iniwan sila ng gobyerno sa laylayan. Ito ang dahilan kung bakit tumataas ang bilang ng mga kaso ng leptospirosis at dengue. Ang tanging magagawa na lang natin ay ang maging matatag. Ano pa nga ba?
Sa bawat patak ng ulan, kasabay nito ay unti-unting tumataas na ang mga kaso ng delubyo. Ang leptospirosis ay isang bacterial infection na pwedeng makuha sa tubig o lupang kontaminado ng ihi ng hayop, lalo na ng daga. Posibleng makapasok ang bacteria sa katawan sa pamamagitan ng sugat o gasgas sa balat. Kaya huwag nating balewalain kapag nakaramdam na ng pananakit ng ulo at katawan, panginginig, pagsusuka, lagnat, at pamumula ng mga mata.
Samantala, ang dengue naman ay dulot ng kagat ng lamok na namamahay sa mga naipong tubig. Sa bote, lata, paso, at kahit sa maliliit na sulok man ‘yan, hindi mo lang napapansin o sadyang ayaw mo lang pansinin. Kapag nagkaroon ka ng mataas na lagnat, matinding pananakit ng ulo o katawan, pagsusuka, o iba pang sintomas, huwag mo itong ipagsawalang-bahala.
Sa lalim ng baha, pati ako ay napapatanong kung paano tatawid sa bawat kanto. Mabigat ang bawat hakbang habang lubog ang sandalyas sa maruming tubig. Abot tuhod naman ang ramdam kong lamig at pandidiri. Sa pagitan ng ingay ng ulan at ng mga sasakyan, may maririnig ka pang mahinang pagaspas ng lamok.
“Psst, bata! Huwag kang mag-swimming sa baha, sinasabi ko sa’yo,” mahinahon kong paalala sa isang musmos sa gilid ng bangketa. Walang pang-itaas, bahagyang nakasilong, ngunit mukhang may balak na lumusong. “Umuwi ka na, malamok dito. Uso pa naman ang dengue ngayon.” Saglit siyang napatingin sa akin, tila’y nagulat, ngunit agad ding tumango. Sa simpleng tagpong iyon, napagtanto kong hindi sapat ang basta pag-oobserba lamang. Mas mainam pala magbigay ng paalala lalo na sa ganitong sitwasyong wala tayong mahihingian ng pag alaga.
Sa kabila ng ingay ng patak ng ulan at rumaragasang sasakyan, patuloy ang laban ng bawat isa. Laban sa baha, laban sa kahirapan, at higit sa lahat, laban sa mga sakit na tahimik tayong sinisira. Hindi natin kontrolado ang pagdating ng ulan, ngunit may kakayahan naman tayong pigilan ang paglala ng mga panganib na dulot nito.
Sa simpleng paalala. Sa kaunting pag-iingat. Sa pagiging mulat.
Isinulat ni: Allison Besenio/UST Nursing Journal

Comments