Bawat Patak sa Ilalim ng Footbridge, Bawas sa Oras para sa Kabuhayan
November 05, 2026 | 7:00 P.M.
FILIPINO - GABI NA NOONG UMUWI KAMI GALING SM NORTH EDSA at mukhang nagbabadya ang panahon. Tinatago ng madilim na kalangitan ang masamang panahon. Sa pagtago ng mga bituin, mabigat na mga ulap ang pumalit kaya naman ang panahon ay mahirap hulaan. At sa isang kislap, bumuhos na ang mabigat na ulan na humahadlang sa paningin ng nagmamaneho at mga pasahero na ito. Ang daloy ng mabagal na trapik ay mas lalo pang kumupad at nagmistulang mga kuhol na pinaparusahan ng mabigat na ulan.
Ang mga malalaking sasakyan tulad ng SUV, sedan, o van, na mga pribadong sasakyan, ay hindi kadalasang matitinag ng malakas na ulan. Kami na nasa SUV ay bumagal lang nang kaunti upang maiwasan madulas sa kalsada na basang-basa. Ang lakas ng hangin at ang bigat ng ulan ay nasasangga ng makapal na metal at salamin ng sasakyan. Hindi na namin kinailangan sumilong at patilain pa ang ulan dahil kayang harapin ng sasakyan ang masamang panahon.
Ngunit paano ang mga biyaherong walang sasakyan na may makapal na metal at salamin na sasangga sa ulan. Ngunit paano kung ang sasakyan nila ay may dalawang gulong lamang na mabilis madulas sa basa na daan, walang bubong, at magaan lamang at kayang hipan ang malakas na hangin. Ngunit paano haharapin ng mga nakamotor ang biglaang bugso ng mabigat na ulan. Mapapaisip na lang na hindi tayo lahat ay nasa isang sitwasyon dahil lamang sa malakas na ulan.
Sa pag bagal ng takbo ng aming sasakyan, karamihan ng motor ay kailangan din maghanap ng masisilungan. Ngunit sa kahabaan ng EDSA, bihira na makakita ng mga puno o iba pang mga istruktura na maaaring magbigay ng silong. Maliban dito ang mga footbridge na madadaanan kada ilang kilometro, o mga istasyon ng MRT na matatagpuan sa mga mataong parte ng EDSA. Ang mga silong na ito ay nagbibigay lugar para sa mga motorista upang palipasin ang masamang panahon o magsuot ng kanilang kapote. Ngunit dahil ang panahon ngayon ay mahirap ng hulaan at karamihan ng mga motorista ay hindi handa at walang dalang gamit upang labanan ang biglang bagsak ng ulan. Ang tanging magagawa na lamang nila ay mag-antay sa ilalim ng mga footbridge o MRT station at umasa na matapos kaagad ang sama ng panahon. Ngunit minsan, mapaglaro ang kalikasan. Ang mabigat na ulan ay madalas nang tumatagal at hindi humihinto kaagad. Kung ano ang itinagal ng ulan, ganoon din katagal ang oras na nasasayang sa mga motorista na naghihintay tumila ang ulan.
Karamihan sa mga motorista na mga ito, ay mga MC riders ng mga motorcycle booking apps tulad ng Angkas o Joyride. Ang ibang motorista naman ay mga simpleng manggagawa na pauwi o papasok sa kanilang mga trabaho. At sa bawat minuto na nag-aabang sila huminto ang ulan, nababawasan din ang oras ng kanilang trabaho, sahod o oras para sa pahinga at sa kanilang mga pamilya. Ang paghinto ng mga MC riders dahil sa ulan ay nagdudulot din ng aberya sa kanilang mga pasahero na nais din umuwi. Naaapektuhan din ang kanilang mga delivery, na maaring mga pagkain o mga importanteng parcels. Ang abala sa kanilang mga customers ay bumabalik din sa kanila. Maaring manghingi ng mga customers ng refund at ireport pa ang mga MC riders, na lalong nakaaapekto sa kanilang kita sa pang araw-araw. At kung uwian na ng mga manggagawa, sa halip na makapahinga sila sa kanilang bahay, sila ay nababasa at maaring magkasakit dahil sa pagpapatila ng ulan. At ang apektado na naman ay ang kanilang pang araw-araw na pamumuhay at trabaho na naapektuhan ng ulan.
Mapaglaro ang panahon ngayon, dahil sa climate change at sa kahabag-habag na estado ng mga istruktura ng ating bansa. At ang kadalasang pinaglalaruan ay mga simpleng mga taong nais lamang magtrabaho at magpahinga. Habang ang iba ay nasa loob ng kanilang sasakyan, kayang umiglip ng panandalian manatiling tuyo sa ulan at ipagpatuloy ang kanilang araw, ang mga motorista ay nakakulong. Sila ay nakasilong, hinihipan ng malakas na hangin at unting-unti nababasa. Sila ay nagdarasal na ihinto na ang ulan para makabalik na sa kanilang trabaho, o sa kanilang mga pamilya. Ang nais lamang nila ay huminto na ang ulan at ipagpatuloy ang takbo ng oras. Habang tayo ay nakauwi na sa ating mga bahay habang tuloy pa rin ang ulan, ang karamihan ng mga motorista ay nasa kalsada pa rin.
Isinulat ni: Leandrei Miguel Parilla/UST Nursing Journal

Comments