HINDI KO KAYANG LABANAN ANG ALON
November 05, 2026 | 4:00 P.M.
FILIPINO - Naranasan niyo na bang tangayin ng alon? Ang mapunta sa dalampasigang hindi pamilyar? Ang lumusong sa dagat na hindi mo batid kung gaano kalalim?
Ngayong kolehiyo, pakiramdam ko ay muli akong nangangapa kung saan magsisimula. May mga araw na para bang kay hirap umusad, may mga gabing mahirap makatulog sa kakaisip kung paano lalagpasan ang bukas. Marahil ang iba ay unti-unti nang nakakasabay sa agos, pero ang iba naman ay patuloy pa ring sinasalubong ang malalaking alon at nagpupumiglas upang tulungan ang sariling makaahon.
Minsan pa nga ay kinukuwestiyon ko ang sarili, ‘Para ba talaga ako rito? O isa lamang hamak na isdang naligaw sa napakalaking espasyo?’
Akala ko noon, matalino akong estudyante. Yung tipong kaliwa’t kanan ang pagtanggap sa medalya at maya’t maya ang pag-akyat sa mga entabladong pamilyar sa akin. Yung tipong sigurado na ako sa landas na tinatahak ko. Walang pagdududa, walang takot, at walang pag-aalinlangan sa bawat yapak.
Ilang buwan na ang lumipas sa kolehiyo, tila ba’y naninibago pa rin ako sa isang dalampasigang hindi ko alam kung saan ang dulo, simula, o gitna. Hindi ko alam kung umuusad pa ba ako o nalugmok na sa kinatatayuan habang tinatanaw ang malabong paroroonan. Para bang ayaw akong payagan ng tadhanang sumilip sa kung ano ang naghihintay sa akin sa dulo.
Nakakatakot.
Oo, pinangarap kong makarating dito, ngunit hindi rin pala biro ang hirap ng pagsabay sa agos, masanay sa bagong dalampasigan, at subukang ‘wag lumubog sa kailaliman. Pero hindi ba’t ito naman ang punto kung bakit tayo narito? Upang maranasan ang buhay at matuto habang nasa proseso.
Hindi naman pala lahat ng pangarap may kasamang kasiguraduhan. Hindi lahat ng hakbang ay may agarang tagumpay. Hindi lahat ng pagsubok ay kailangang malampasan nang hindi napapagod. At hindi lahat ng araw ay kailangan nating patunay na karapat-dapat tayo sa lugar na pinapangarap nating mapuntahan. Dahil paano nga ba natin malalaman kung kaya nating lumangoy kung hindi tayo susubok lumusong? Paano natin matatanaw ang lawak ng dagat kung mananatili lang tayo sa pampang?
Aminado akong may mga araw na umaasa akong babalik ang dating ako. Yung ako na alam kung saan magaling, yung ako na hindi nag-aalinlangan sa sariling potensyal, at yung ako na mas madaling makahanap ng dahilan upang ipagmalaki ang sarili. Minsan, nakakapagod palang paulit-ulit na patunayan sa sarili na kaya mo. Lalo na kapag may mga pagkakataong ikaw mismo ay hindi na sigurado.
At sa mga panahong iyon, hindi ko maiwasang tanungin ang sarili: paano kung hindi pala ako kasing galing ng inaakala ko? Paano kung ang mga dating tagumpay ko ay hindi sapat upang dalhin ako sa lugar na ‘to? Paano kung sa kabila ng lahat ng pinaghirapan ko, hindi pa rin pala ako handa?
Ngunit marahil, hindi naman kailangang magkaroon agad ng sagot sa lahat ng tanong. Marahil, hindi ko kailangang maging katulad ng dati kong sarili upang masabing umuusad nga talaga ako. Dahil ang totoo, hindi naman karera ang pag-abot sa pangarap. Hindi dahil nauuna ang iba ay nangangahulugang napag-iiwanan ka na. Hindi dahil mas mabilis silang nakakasabay sa agos ay nangangahulugang hindi ka na makararating sa paroroonan mo. May mga alon talagang mas malakas para sa iba, at may mga dalampasigang mas matagal bago masanay ang ating mga paa. Kaya sa mga taong nangangapa pa rin, sana ay huwag nating kalimutang huminga. Hindi maling mapagod. Hindi maling magpahinga. At hindi ibig sabihing hindi ka para rito dahil nangangapa ka. Minsan, nakakalimutan natin kung gaano na pala tayo kalayo mula sa simula.
At balang araw, kapag muli nating binalikan ang mga panahong ‘to, sana ay hindi lang natin maalala kung gaano kahirap ang lahat. Sana ay maalala rin natin ang mga araw na hindi man natin naramdamang umuusad tayo, pero hindi naman pala tayo tumigil. Dahil siguro, hindi natin kailangang maging magaling sa paglangoy sa simula pa lamang. Minsan, kailangan lang pala nating matutong magtiwala sa sarili na kaya nating lumutang kahit hindi pa natin alam kung paano makarating sa kabilang pampang.
At kung sakaling tangayin man tayo muli ng alon, sana ay hindi natin isipin ang sarili bilang isang taong naligaw. Dahil hindi lahat ng hindi pamilyar na lugar ay nangangahulugang mali ang tinatahak nating daan. Kaya sa ngayon, hahayaan ko munang dalhin ako ng agos. Hindi dahil alam ko kung saan ako dadalhin nito, kundi dahil natutunan ko nang hindi kailangang makita ang buong daan para humakbang sa susunod na kanto ng aking kwento.
Patuloy kahit mabagal. Kahit nangangapa. Kahit may takot.
Balang araw, kapag sa wakas ay narating din natin ang pampang na matagal nating pinapangarap, tiyak ay maiintindihan natin kung bakit kailangang pagdaanan lahat ng alon na minsan ay inakala nating hindi natin malalampasan. Hanggang sa araw na iyon, ‘wag kang tumigil lumangoy. Hindi naman nawawala ang pangarap dahil lang sa mabagal ang agos. At hindi rin tayo nabibigong makarating dahil lang sa kailangan nating huminto para huminga.
May mga pangarap na hindi kailangang habulin nang nagmamadali. May mga pangarap na kailangang languyan nang buong tapang kahit hindi pa natin alam kung gaano kalalim ang dagat. At may mga alon na hindi kailangang labanan bagkus ay mas mainam sabayan.
At siguro, sapat na muna iyon.
Isinulat ni: Allison Besenio/UST Nursing Journal

Comments