top of page

KABATAAN, KAYA PA BA MAGING PAG-ASA NG BAYAN?

Writer: UST Nursing Journal
UST Nursing Journal
Nov 5
3 min read

November 05, 2026 | 3:00 P.M.


FILIPINO - “Ang kabataan ang pag-asa ng bayan.” – Dr. Jose Rizal


Ang pahayag na ito ni Dr. Jose Rizal ang isa sa mga pinakasikat niyang kasabihan na tumatak na sa mga utak ng kabataan. Tinuturo ito nang maaga sa mga paaralan upang maging gabay sa mga mag-aaral sa pagpili ng landas na kanilang tatahakin sa pagtanda. Ang kabataan noon, ang kabataan ngayon, at ang kabataan ng kinabukasan ang makikinabang sa kahulugan ng kasabihang ito. Ngunit sa paulit-ulit na pagtuturo ng kawikaang ito, pumapasok pa rin ba ito sa isip at puso ng mga kabataan? Dagdag pa rito, ang kalagayan ng ating bansa at ng mundo ay hindi maitatanggi na hindi kaakit-akit. Sandamakmak na mga problema ang lumilitaw araw-araw at unti-unting nagpapahina sa kalooban ng maraming kabataan. 


Patuloy na tumataas ang presyo ng mga bilihin. Ang mga pangunahing pangangailangan ng isang tao ay unti-unting nagmamahal na rin. Sa taya ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), ang inflation sa Agosto 2026 ay umakyat sa pagitan ng 5.5% at 6.5%, na inaasahang magiging 6.1% sa pagtatapos ng taon. Ito ay nananatiling higit sa target na tolerance range ng gobyerno na 2% hanggang 4%. Ayon pa sa Rappler, ang unemployment rate ng mga Pilipino ay 4.9% noong Hunyo, mas mataas kaysa sa 3.7% noong Mayo. Ang pagtaas ng unemployment rate ay sa kabila pa ng pagpasok sa job market ng mga bagong nagtapos na mga mag-aaral mula kolehiyo. Ang matinding kumpetisyon sa job market ay nagtutulak sa mga kabataan na maghanap ng trabahong di karaniwan at minsan pa ay delikado sa kanilang buhay. Nakalulungkot na dahil din ito sa patuloy na pagtaas ng mga bilihin, renta, gasolina at iba pang gamit sa pang-araw-araw. 


Pagsubok din sa kabataan ang hindi inaasahang pagbabago ng panahon. Buwan-buwan ay may bagong bagyong sumisira sa mga istruktura at nagpapahirap sa pag-aaral at sa pagtatrabaho. Ang mga kabahayan at mga establisimyento ay nalulubog sa baha, na humahadlang sa mga tao na maging produktibong miyembro ng lipunan. At kung hindi naman bumubuhos ang ulan, tumitirik naman ang init ng araw. Ang mga pagsubok na dulot ng global warming sa kalikasan ay nagdudulot din ng mga panganib sa kalusugan, tulad ng heat stroke, leptospirosis, dengue, at iba pang sakit. Pati ang mga ito ay dagdag sa mga isipin ng mga kabataan at sa pagpaplano ng kanilang kinabukasan. Iniisip na rin ng kabataan ngayon kung mayroon pa bang pag-asa ang kinabukasan at kung maabutan pa nila ito. Sa laki ng problema sa global warming, ang liit ng papel at pakinabang ng mga kakayahan ng kabataan sa pagpigil dito. 


Sa kada gising ng mga kabataan, may panibagong problema ang mundo na kanilang hinaharap. Minsan pa, ang mga problemang ito ay may malaking impluwensya sa kanilang kinabukasan, kaya’t napipilitan silang harapin ang mga ito. Sa dami ng mga balakid, maraming kabataan ang nanlulumo at tuluyang sumusuko; sumukong bumuo ng magandang kinabukasan, sumukong maglatag ng landas tungo sa kaunlaran, at sumukong maging tagapaglingkod ng hinaharap. 


Maaari hindi inasahan ni Dr. Jose Rizal ang kalagayan ng kasalukuyan. Ngunit kailangan din nating maunawaan na ang kinahinatnan ng ating mundo ay bunga ng mga desisyon ng sangkatuhan, mga taong kaanib sana ng mga kabataan. Kaya naman mahalaga pa ring isipin ang kinabukasan, lalo na ng mga kabataan. Maaaring para sa ating kapakinabangan o para sa lipunan. Ang mga pagsubok ng mundo ay maaaring malutas o lumala, ngunit iisa lang ang sigurado, Ang kinabukasan ay tiyak na darating at ang kabataan ang sasalubong dito. 



Mga sanggunian:

Tabile, J. (2026, July 8). Weak consumption, delayed investments to drag Philippine growth — ADB . BusinessWorld Online. https://bworldonline.com/top-stories/2026/07/09/762140/weak-consumption-delayed-investments-to-drag-philippine-growth-adb/


Yu, L. (2026, August 6). Unemployment rises slightly to 4.9% as fresh grads struggle to find jobs. Rappler. https://www.rappler.com/business/unemployment-rate-philippines-june-2026/


Mohd, Salahuddin, A., Mansor, A. A., Siew, W. H., & Adibah Azman. (2025). The psychological impact of climate change on youth: A systematic review. International Journal of Academic Research in Progressive Education and Development, 14(2). https://doi.org/10.6007/IJARPED/v14-i2/25758


Isinulat ni: Leandrei Miguel Parilla/UST Nursing Journal

 
 
 

Recent Posts

See All
MULAT

November 06, 2026 | 12:00 P.M. FILIPINO - “Bagyo na naman. Pati ako, binabagyo rin ng kamalasan eh.” Habang binabagtas ang kahabaan ng España, rinig ko ang mahinang daing ng isang kapwa estudyante. T

 
 
 
HINDI KO KAYANG LABANAN ANG ALON

November 05, 2026 | 4:00 P.M. FILIPINO - Naranasan niyo na bang tangayin ng alon? Ang mapunta sa dalampasigang hindi pamilyar? Ang lumusong sa dagat na hindi mo batid kung gaano kalalim? Ngayong kole

 
 
 

Comments


bottom of page