Kaibigan, gaano ka ka-Filipino?
Kung kumunot na ang noo mo sa unang linya pa lamang, huwag kang mag-alala. Hindi ka nag-iisa. Paano mo nga naman masasagot? Wala namang pamantayan ang pagsusukat nito. Hindi mo rin naman tahasang makukuwenta ang porsiyento ng pagka-Filipino gamit ang isang pormula sa matematika. Sa labo ng tanong na ito, walang magiging tiyak na sagot.
Kung ibabatay mo ang sagot sa kaalaman at kamalayan sa kasaysayan, parang mababaw. Ang pagkabisado sa buhay at obra ni Rizal ay hindi nangangahulugang mas Filipino ka kaysa sa may alam lamang ng buong pangalan niya. Maliban dito, hindi naman lahat ng nakatala sa aklat ay salaysay ng romansa at kabayanihan. Higit sa bilang ng mga darili sa kamay ang dami ng mga pangyayaring hindi na nararapat balikan. Kung alam mo ang mga ito, sige, mahusay ka. Ngunit maipagmamalaki mo ba talaga ito bilang patunay na Filipino ka?
Kung ikakatwiran mo naman na ang pagkilala sa kultura bilang sukatan ng pagka-Filipino, marahil magbunga ito sa pagdududa. Napansin mo na ba kung paano ka magpasya? Punahin mo ang sarili pagdating sa pagtangkilik ng mga lokal nating produkto. Tignan mo rin kung ang mga ugali at prinsipyong maka-Filipino na tinuro ng iyong mga magulang ay sumasalamin pa rin sa iyong pagkatao ngayon. Mula sa pagpili ng panonoorin sa telebisyon, pagbili ng partikular na tatak ng sapatos, hanggang sa pakikitungo mo sa pamilya, kaibigan, panauhin, at iba pang mga uri ng tao — tunay ka bang Filipino kung mas pinapaburan mo ang kulturang dayuhan?
Kung iniisip mo naman na ang pagiging Filipino ay batay sa makataong paniniwala at kilos sa lipunan, paano naman yung mga makabayang nabubulag at naaapi sa maling pulitika? Mulat man o hindi, ang Filipino ay Filipino. Ang mga Filipinong tumitindig para sa kalikasan, lumalaban para sa kapayapaan, at nangangarap para sa kabataan ay hindi mas mataas na mga mamamayan kaysa sa mga karaniwang manggagawang nakikipagsapalaran para sa isang linggong pagkain at tirahan.
Kung nakabatay naman para sa iyo ang pagka-Filipino sa pagmamahal sa bayan, hindi kita masisisi kung agaran mong mapagtatanto na ideyalistiko ang konseptong ito. Magpakatotoo lang tayo. Sa dinami-rami ng kaso ng karahasan, pandaraya, at kawalan ng katarungang laganap sa bansa kamakailan, paano mo mamahalin ang lupang kinagisnan?
Kaibigan, may sagot ka man o wala, ito na lang muna ang tandaan mo ngayon:
Sa pagtatapos nitong Agosto, nawa’y sikapin mong mas ibigin pa ang bayan mo sa kabila ng lahat ng pasubaling mahirap itanggi. Dahil kung hindi tayo, sino?
Nagmamahal,
Kababayan
Commentaires