top of page

Wika ng Kabataan, Unti-unting napapalitan: Paglawak ng Wikang Ingles sa mga Pilipino

  • Writer: UST Nursing Journal
    UST Nursing Journal
  • 7 days ago
  • 2 min read

Updated: 6 days ago

Agosto 31, 2026 | 2:00 P.M.


FILIPINO - ANG ATING INANG WIKA ay natutuhan na natin maaga pa lamang sa ating paglaki. Ang wikang Ingles naman ay natutuhan natin kasabay ng Filipino. Ngunit sa panahon ngayon, ang karamihan sa mga salita na ginagamit ng mga kabataan sa pang-araw-araw na pakikipag-usap ay Ingles. Normal na ang paggamit o pagdaragdag ng mga Ingles na salita sa mga pangungusap. Mayroon na ring mga salitang Ingles na pumapalit sa mga salitang Filipino.


Sa karamihan ng mga Pilipino, ang mga kabataan ang mas tumatangkilik sa paggamit ng wikang Ingles. Maaaring ang social media at mga pang-dayuhang sining ang dahilan ng pag-usbong ng mga salitang banyaga at iba pang mga usong kasabihan o ekspresyon. Ang pagsikat ng iba’t ibang social media sites tulad ng Tiktok at Threads ay nagbigay-daan upang maranasan at malaman ang kultura ng ibang bansa sa pamamagitan lamang ng isang scroll at click. Hindi rin maikakaila na ang mga Pilipino ay isa sa mga pinakamaraming gumagamit ng internet sa Asya. Kaya naman, marami nang mga ekspresyon at salita mula sa social media ang sumulpot at nanatili na sa pang-araw-araw na wikang Filipino. “Gaslighting”, “cooked”, “delulu”, at “valid” ang ilan sa mga halimbawa ng mga salita na galing sa mga social media na unting-unting nahahalo sa talasalitaan o bokabularyo ng maraming kabataan.


Hindi rin maitatanggi na may papel ang mga magulang sa pagtuturo ng wikang Ingles sa kanilang mga anak. Marami sa kanila ang nakakikita ng mga benepisyo ng wikang Ingles sa edukasyon ng kanilang mga anak. Hindi rin maikakaila na maraming Pilipino pa rin ang iniisip na mas edukadong tingnan ang isang taong matatas sa wikang banyaga. Kaya nagiging normal na ang pakikipag-usap ng mga magulang sa kanilang mga anak sa wikang Ingles sa halip na sa wikang Filipino. Bukod pa rito, marami ring palabas ang napapanood ng mga bata sa ibang wika, tulad ng Cocomelon o Bluey. Bilang resulta, nahihirapan din ang maraming bata na makipag-usap sa mga mas nakatatanda dahil sa mga hindi nakasanayang mga salita sa wikang Filipino. Kaya naman, nahihirapan din ang mga nakatatanda na magkaroon ng oportunidad na kilalanin ang nakababatang henerasyon at bigyan sila ng gabay.


Kasabay ng paggamit o pagpapalit ng mga salitang Filipino ay unti-unting nakakalimutan na rin ang masaganang talasalitaan o bokabularyo ng ating wikang pambansa. Ang paggamit ng mga popular na ekspresyon sa wikang Ingles ay hindi hadlang sa paggamit ng wikang Filipino, ngunit ang mga ito ay hindi dapat pumalit at dumaig sa paggamit ng lengguwahe ng Pilipinas. Ang wika ay palaging nagbabago at hindi ito maiiwasan, lalo na sa panahon ng teknolohiya at social media. Ngunit sa mga nakababatang henerasyon, mahalagang panghawakan pa rin ang wikang Filipino dahil ito ang magsisilbing ugnayan at gabay sa pagtanda at sa pagiging produktibong miyembro ng lipunan.


Nakalilimutan na ang mga kahulugan ng mga salita, nakakalimutan na natin ang ating diwa.

Inang wikang magtataguyod ng ating bayan, huwag nating hayaang mapalitan.


Isinulat ni: Leandrei Miguel Parilla/UST Nursing Journal

 
 
 

Recent Posts

See All
HANGGANG WALA NANG LUHA SA BAHA

Agosto 31, 2026 | 12:00 P.M. EDITORYAL - NAPAPALIBUTAN ng tubig ang Pilipinas. Bilang isang arkipelago, naging mahalagang bahagi na sa mga Pilipino ang dagat at iba pang katawan ng tubig na nasasakupa

 
 
 
Isang Bala, Isang Markang 'Di Mabubura

Agosto 31, 2026 | 2:30 P.M. FILIPINO - Ilang araw, taon, at dekada na nga ba ang lumipas? Tanda niyo pa kaya kung anong meron sa ika-21 ng Agosto? Marahil kakarampot ang mga nakaaalala, ngunit hindi i

 
 
 

Comments


bottom of page