top of page

AMOY SUKA ANG AKING KAMAY

Writer: UST Nursing Journal
UST Nursing Journal
1 day ago
3 min read

September 28, 2026 | 12:00 P.M.


FILIPINO - NAKATIRA KAMI SA GILID NG ILOG at madalas tumataas ang tubig at binabaha kami. Pasalamat, sa kabila ng perwisyo at pahirap, may mga biyaya pa rin na nabibilang. Maraming tao ang nais pa ring itawid ang pang-araw-araw na mga gastusin sa pamamagitan ng iba’t ibang raket. Sa taas ng tubig, maraming mga talangka ang nahuhuli at ibinebenta o inilalako sa mga bahay. Ang lola ko ay laging pinapakyaw ang mga tinda ng mga naglalako ng talangka at iba pang mga isda na nahuhuli kapag tumataas ang tubig. 


Minsan kapag binabaha kami, mga ulam na madaling lutuin na lamang ang aming ihinahanda. Isa na rito ang burong talangka. Ayon sa mga tito ko na nanghuhuli ng mga ito, marami silang nahuhuli kapag mataas ang tubig sa mga palaisdaan. Gumagamit sila ng kulungan na gawa sa kawayan, kung saan nilalagyan nila ito ng pain tulad ng bituka ng isda o lumang karne. Ang talangka ay pumapasok sa maliit na butas ng kulungan at nahuhuli dahil ang butas na pinapasukan ng mga ito ay isang daanan lang, at pinipigilang makalabas ang mga nahuli mula sa loob. Ang pagtaas ng tubig o high tide ay minsan inaasahan na dahil sa posisyon ng buwan, kaya’t nakapaghahanda nang manghuli ang mga tito ko. Kapag tumataas na ang tubig, ang mga kulungan o panghuli ay nilulubog na sa mga gilid ng pilapil at iniiwan ang mga ito nang ilang oras o minsan isang araw. Pagbalik, marami nang talangka ang nahuli at maaari nang ibenta at gawing burong talangka. 


Ito ay isang putahe kung saan ang bagong huling talangka ay binababad lamang sa asin hanggang sa ihain at kainin na ito. Hindi na ito niluluto sa apoy o pinapakuluan, kaya madali lang itong ihanda. Bukod pa rito, dahil sa pagbuburo, napapanatili ang tamis at linamnam ng taba ng talangka. Mas masarap pa ito kung kakainin mo nang nakakamay dahil napipiga mo ang lahat ng taba ng talangka at ihahalo sa mainit na kanin. Ang taba ng talangka ay nalulusaw at lalong lumilinamnam sa init ng kanin. Dagdagan mo pa ito ng suka at talagang dadalhin ka ng sarap nito sa ibang mundo. Tatanggalin mo ang talukap o shell ng talangka, pipigain mo ang taba nito gamit ang iyong hinlalaki, hahaluin mo sa kanin, at titimplahan mo ito ng suka. Sa bawat subo gamit ang kamay at sa bawat sawsaw sa suka at ang pagkapit ng amoy nito sa mga daliri, mas nakatatakam ang susunod na subo. Sa bawat sawsaw sa suka, mas kumakapit ang maasim nitong amoy sa mga daliri.


Ngunit hindi lang sa talangka nababagay ang suka; sa dami ng isda na nahuhuli sa ilog malapit sa amin, maraming luto ang maaaring ibagay sa simpleng suka. Mula sa bangus na madaling hulihin gamit ang lambat, masarap ang maasim na paksiw sa maulan na hapon. At kung hindi sabaw ang hanap, maaari ring magpirito ng tilapia na nahuhuli gamit ang tiksay at airgun. Kahit ano pang mga pritong isda ay kadalasang naming sinasawsaw sa suka at patis. Ang asim ng suka at alat ng patis ay nakatutulong upang tanggalin ang suya ng mantika sa mga pritong isda. At ang pagkakamay ay nagpapadali sa paghimay ng laman ng isda mula sa mga tinik nito. Sabi nga nila, ang pagkain ng isda at mga lamang-dagat ay maaaring nakatutusok ng lalamunan dahil sa mga tinik nito, ngunit tayo ay binigyan ng mga kamay upang himayin nang maingat ang mga biyaya ng tubig sa ating mga plato. Kamay na ginagamit natin pangsawsaw sa suka at iba pang sarsa. At ang amoy na naiiwan ng suka sa mga daliri ay nagpapaalala ng simpleng buhay ng maraming Pilipino na pinapahalagahan at pinasasalamatan ang biyayang mga pagkain.


Ang suka at pagkakamay ay bahagi ng pang-araw-araw na buhay ng maraming  Pilipino na nakatira malapit sa mga ilog, palaisdaan, at dagat. Ang dalawang ito ay simbolo ng ating pagpapahalaga sa mga biyayang ibinigay ng ating kultura na nagbibigay-buhay sa kabila ng mga sakuna sa ating bansa. Ang mga ito ay hindi malulunod ng baha–sa halip ay payayamanin pa sa dala nitong mga biyaya na binibingwit ng mga Pinoy upang mamuhay. Kaya’t hangga’t may biyaya ang katubigan, ang aking kamay ay mag-aamoy suka.



Isinulat ni: Leandrei Miguel Parilla/UST Nursing Journal

 
 
 

Recent Posts

See All
Puso ng Pasko

September 29, 2026 | 12:00 P.M. FILIPINO - May sumisilip na naman—maririnig na ulit si Jose Mari Chan. “Whenever I see girls and boys selling lanterns on the streets…,” ang karaniwang naririnig kapag

 
 
 
How Ba-a-ad Can Our Reality Be?

September 15, 2026 | 12:00 P.M. EDITORIAL - HOW BAD can this possibly be, let's see Sounds familiar? When we were in our younger years, we used to gather in front of our television sets either at scho

 
 
 
CASCADES & GOODS

September 13, 2026 | 6:00 P.M. LITERARY: CREATIVE NON-FICTION CATEGORY Behind every injustice, every inequality, every falsehood clouding a person, once stood a child. They had stood in a room, warm,

 
 
 

Comments


bottom of page