top of page

Puso ng Pasko

Writer: UST Nursing Journal
UST Nursing Journal
1 day ago
3 min read

September 29, 2026 | 12:00 P.M.


FILIPINO - May sumisilip na naman—maririnig na ulit si Jose Mari Chan. 


“Whenever I see girls and boys selling lanterns on the streets…,” ang karaniwang naririnig kapag paparating na ang araw na malapit sa puso ng bawat Pilipino. Kahit unang araw pa lamang ng Setyembre ay nagsisimula na ang mga preparasyon para sa buwan ng Disyembre. Mapapansin natin na kumpara sa ibang mga bansa, hindi nila ito ginagawa dahil masyado pang maaga para sa kanila. Ngunit sa Pilipinas? Asahan mong sa pagtapat ng mga kamay ng relo sa unang araw ng Setyembre, iba’t ibang disenyo na ang makahaharap mo sa kalsada at mga imprastraktura.


Matagal nang nakasanayan ang kultura na kung tawagin ay BER months. Kung hindi tayo ang pinaka, tayo ay isa sa mga bansang may mahabang selebrasyon ng kapaskuhan. Pero pansin mo ba? Na parang hindi na ito gaanong nararamdaman? Narinig mo na rin ba ‘yung pahayag na, “Mas masaya dati ang Pasko”?  Kaya pa rin naman nating sabihin na nagsisimula pa rin ang mahabang selebrasyon sa unang buwan na may “ber,” dahil sa panahon ngayong digital, nagkalat na agad ang mga post tungkol dito. Sa kabilang banda, kaya ba nating sabihin na nagsisimula na itong maramdaman sa puso ng bawat isa?

Magkaiba ang nakikita sa nadarama. Kaya nga sa normal na 5 senses o pandama ng isang tao, iba ang pandama sa paningin. Sa madaling salita, kaya mong makita ang isang bagay nang hindi ito nararamdaman o kaya naman ay maramdaman ito kahit hindi mo ito nakikita. Siguro nga kasama na sa paglipas ng panahon ang paglipas ng mga nakasanayan. Maaaring noon ay labis pa ang kislapan ng mga garahe ng kapitbahay, pero ngayon ay nananatili na lamang sa natural nitong itsura. Maaaring noon ay ubos na ang barya dahil sa sunod-sunod na mga batang nangangaroling, pero ngayon ay wala nang biglang umaawit sa likod ng tarangkahan. 


Hindi man madalas ang mga itong makita, ang mahalaga ay alam pa rin natin kung para saan nga ba ang selebrasyon na ito. Sabihin man nating produkto ng isip ang kaalamang ito, dito pa rin sumisibol ang diwa ng Pasko. Dapat isaisip na mayroon nito hindi lamang dahil sa kaarawan ni Hesus, kung hindi pati na rin bilang repleksyon ng pananampalataya. Ipinakikita nito na binibigyang-halaga ang sakripisyo ni Hesus sa pamamagitan ng mahabang pagdiriwang ng kanyang kaarawan. Narito rin ang Simbang Gabi, na siyam na magkakasunod na araw ang pagkumpleto dahil pinaniniwalaang matutupad ang kahilingan sa pagkakataong umabot sa huling araw nito.


Sumasalamin din dito ang kultura ng pagkakaisa, kung saan umuuwi pa ang iba mula sa malalayong lugar upang magtipon-tipon bilang isa. Sa tulong-tulong din na preparasyon para sa mga dekorasyon, masasabing buhay pa rin ang bayanihan ng Pilipino. Isa pa, ang kultura ng pagbibigayan na nasa ilalim ng punong berde sa loob ng bawat bahay. Iniipon ang mga ito sa kahabaan ng mga buwan upang sabay-sabay ibigay sa araw ng Pasko. Hindi rin mawawala ang kultura ng pagmamahalan na mas buo sa kapaskuhan. Mas kita at dama ito sa mga buwang ito dahil sa selebrasyon, pagtitipon, at mga sikap na isinasagawa para sa pamilya, mga kaibigan, at mga kakilala.


Hindi maiiwasan na magbago ang nakasanayan lalo pa’t ang pagbabago lamang ang masasabi nating palagian. Kaya naman dapat isapuso na kahit hindi na nakikita ang dating nakasanayan tuwing kapaskuhan, ang pag-alala sa esensiya kung bakit mayroon nito ang siyang hindi dapat na kaligtaan. Sa pamamagitan nito, ang puso ng Pasko ay hindi makalilimutan. 


Isinulat ni: Francine Yuna Ibañez/UST Nursing Journal

 
 
 

Recent Posts

See All
AMOY SUKA ANG AKING KAMAY

September 28, 2026 | 12:00 P.M. FILIPINO - NAKATIRA KAMI SA GILID NG ILOG at madalas tumataas ang tubig at binabaha kami. Pasalamat, sa kabila ng perwisyo at pahirap, may mga biyaya pa rin na nabibila

 
 
 
How Ba-a-ad Can Our Reality Be?

September 15, 2026 | 12:00 P.M. EDITORIAL - HOW BAD can this possibly be, let's see Sounds familiar? When we were in our younger years, we used to gather in front of our television sets either at scho

 
 
 
CASCADES & GOODS

September 13, 2026 | 6:00 P.M. LITERARY: CREATIVE NON-FICTION CATEGORY Behind every injustice, every inequality, every falsehood clouding a person, once stood a child. They had stood in a room, warm,

 
 
 

Comments


bottom of page