KAAKIBAT NG WIKA
- UST Nursing Journal
- 15 minutes ago
- 2 min read
Sa panahong nakapaligid ang ingay ng teknolohiya, nagagamit pa ba nang wasto ang ating wika?
Milyon-milyon ang nakakakita nito, at umaabot pa sa malayong panig ng mundo. Magkaiba man ang oras ng mga bansa, tila ang digital age ang nagkokonekta sa kanila. Sa kabila nito, nasisiguro ba nating responsable ang mga binibitawan nating salita? Isinasaisip ba natin na may posibilidad na umabot sa mas malaking populasyon ang mga ito?
May kalayaan ang bawat mamamayan sa Pilipinas na ipahayag ang kaniyang mga damdamin. Maging positibo o negatibo man ang mensaheng sumasaklaw sa maraming bagay, isa itong karapatan na patuloy na tinatamasa ng mga Pilipino. Kaakibat ng kalayaang ito ang responsibilidad na bigyang-pansin ang bawat detalyeng pinipili nating ilahad sa publiko. Dapat itong umikot sa mga impormasyong may integridad at nalalayo sa hangaring maghatid ng masamang dulot sa ating kapwa. Malakas ang kapangyarihan ng wika na baguhin ang nararamdaman ng isang tao at ibahin ang perspektibo ng makatatanggap nito. Nangyayari ito sa pamamagitan ng iba't ibang mga social media platform na tinatangkilik ng nakararami.
Iba-iba ang kinalakihan ng bawat tao, kaya malayo rin sa reyalidad na sabihing hindi nagkakalayo ang kanilang mga personal na ugali. Dahil dito, inaasahan ang labis na pag-iingat sa tuwing mayroong nais ipahayag sa social media. Ang isang maliit na pagkakamali ay maaaring umabot sa puntong makaaapekto na ito sa iba. Ilan sa mga talamak na sitwasyong dapat bantayan ay ang misinformation at cyberbullying. Mga gawain itong nasa ilalim ng negatibong panig ng digital na mundo. Sa misinformation, marami ang nabibiktima upang maniwala sa mga hindi beripikadong detalye. Isang magandang halimbawa kung saan ito palaging nakikita ay sa politika, na nagreresulta sa hindi pagkakaunawaan. Ang pagpakakalat naman ng pagkamuhi patungkol sa iba sa mga plataporma tulad lamang ng Facebook, Instagram, Twitter (X), Threads o kaya't TikTok ay tinatawag na cyberbullying. Anuman ang edad, maaari itong maranasan. Sa mga pagkakataong labis ang epekto nito sa isang tao, umaabot pa ito sa puntong ang nagiging resulta ay ang pagkitil ng sariling buhay.
Ang panlilinlang at pambu-bully ay tahasang pagyurak sa kalayaang ipinaglaban para sa atin. Walang puwang ang mga ito sa isang lipunang nangangarap ng tunay na pag-unlad, sapagkat ang bawat salitang binibitawan natin ay may kaakibat na pananagutan. Ang tunay na malaya ay may malinis na konsensya; marunong kumilala sa tama, sa patas, at sa makatao. Bilang mga mamamayang magkakasama sa iisang bayan, ibalik natin ang respeto sa isa't isa. Iba-iba man ang ating wika o pananaw, ang pagkilala sa dignidad ng kapwa ang tanging magliligtas sa atin sa tuluyang pagkasira. Sa sandaling piliin nating maging makatao sa kabila ng teknolohiya, doon natin tunay na maiintindihan ang mismong kaakibat ng wika: na ito ay nilikha upang tayo ay pag-isahin at pagbuklurin, at kailanman ay hindi upang magkasakitan.
Isinulat ni: Francine Yuna Ibañez, Punong Patnugot ng Departamento ng Filipino, Agosto 12, 2026

Comments