Isang Bala, Isang Markang 'Di Mabubura
- UST Nursing Journal
- 7 days ago
- 2 min read
Updated: 6 days ago
Agosto 31, 2026 | 2:30 P.M.
FILIPINO - Ilang araw, taon, at dekada na nga ba ang lumipas? Tanda niyo pa kaya kung anong meron sa ika-21 ng Agosto?
Marahil kakarampot ang mga nakaaalala, ngunit hindi ito sapat upang limutin ang dugo’t sakripisyong inialay sa kasaysayan ng Pilipinas. Isang pagbabago na sinimulan ng isa, ngunit tinapos ng buong bansa.
Ang senador na si Benigno "Ninoy" Simeon Aquino Jr. ay patuloy pa rin nating kinikilala bilang isang taong may pagmamalasakit sa bayang kaniyang piniling paglingkuran. Bilang isang matapang na senador, siya ay hindi nag-atubiling sumalungat sa pamumuno ng diktador na si Ferdinand Marcos Sr. at nagbalak sanang tumakbo sa eleksiyon bilang katunggali laban sa umiiral na diktadura, kahit batid niyang ang kapalit nito ay ang kaniyang payapa at panatag na pamumuhay. Isa lang naman sana ang hangad niya. Mali ba ang gustuhing maibalik ang demokrasya? Mali ba ang bumoses? Mali ba ang humiling ng kalayaan? Mali ba ang maghanap ng bagong paraan?
Mula sa tanyag niyang pahayag na “The Filipinos are worth dying for,” tunay ngang may bigat at lalim itong iniwan. Ipinakita niya na ang pagmamahal sa bayan ay hindi lamang sa salita, kundi pati na rin sa kaniyang iniwang legasiya. Kung babalikan natin ang nakaraan, kung saan ikinulong siya sa loob ng pitong taon at pitong buwan sa pasilidad ng militar dahil sa taliwas na paniniwala sa rehimen, marahil ay naging saksi ang apat na sulok ng piitan sa lungkot, pagdurusa, at mga banta sa kanyang kalusugan. Naging dahilan ito upang ipadala siya sa Amerika upang maipagamot. Hindi man niya hawak ang nangangalawang na rehas ng selda, abot-tanaw naman niya ang kalagayan ng Pilipinas, isang bayang sugatan at malayong-malayo sa paraisong kanyang pinangarap. Dahil dito ay nagpasya siyang sumugal. Sumugal sa muling pagtapak sa Pilipinas kahit panganib lamang ang nag-aabang sa kaniyang pagdating.
Noong ika-21 ng Agosto 1983, muling bumalot sa buong bansa ang lungkot at hinagpis. Isang araw na hindi kailanman mabubura sa kasaysayan. Sa kanyang pagbabalik sa Pilipinas, doon din nagtapos ang kanyang buhay. Isang putok ng baril na nagwakas sa kaniyang tinig, at ang danak ng dugo na nagmistulang permanenteng tinta sa lupain. Animo’y nakikiramay rin sa pagtangis ang hangin sa himpapawid.
Ito ay nagsilbing mitsa upang magising ang diwa ng sambayanan. Ang dating takot ay napalitan ng tapang, at ang katahimikan ay napuno ng panaghoy para sa pagbabago. Mula sa isang tinig na pinatahimik, sumiklab ang apoy sa puso ng milyon-milyong Pilipino. Apoy ng paglaban, pagkakaisa, at pag-asa. Dahil oo, hanggang ngayon nananatili pa rin tayong bihag ng sistema. At alam mo kung ano ang susi sa pagbabago? Tayo mismo.
Kaya’t balikan natin ang kasaysayan, hindi lang para alalahanin, kundi para matuto. Ngayong ika-21 ng Agosto, sa ika-43 na paggunita sa Araw ni Benigno “Ninoy” Simeon Aquino Jr., nawa’y hindi lang ito manatiling alaala. Itatak sana natin sa isipan na ang tunay na serbisyo ay ang pakikinig sa tinig ng mamamayan at hindi ang pagbibingi-bingihan. Dahil kung mananatili tayong tahimik, sino pa ang lalaban para sa bayan?
Isinulat ni: Allison Besinio/UST Nursing Journal

Comments