HANGGANG WALA NANG LUHA SA BAHA
- UST Nursing Journal
- 7 days ago
- 3 min read
Agosto 31, 2026 | 12:00 P.M.
EDITORYAL - NAPAPALIBUTAN ng tubig ang Pilipinas. Bilang isang arkipelago, naging mahalagang bahagi na sa mga Pilipino ang dagat at iba pang katawan ng tubig na nasasakupan nito. Naging daan ang mga tubig na ito upang lumawak ang mga oportunidad ng bansa. Sa katunayan, ang pangingisda ay isa sa mga pangunahing hanapbuhay ng mga Pilipino. Ngunit sa kabila nito, mayroon ding mga kinahaharap na problema, tulad na lamang ng mga bagyo at pagtaas ng lebel ng tubig. Ang patuloy at mabilis na pag-apaw ng mga katubigan ay nagdudulot ng matinding pagbaha na nagiging perwisyo na sa mga mamamayan. Sa paulit-ulit na mga balita at problema sa pagbaha, nag-iiwan ang mga ito ng mga katanungan sa isip ng tao: normal pa ba ang nararanasang pagbaha sa kasalukuyan? Normal pa ba na ang simpleng ulan ang sanhi ng mabilis na pagbaha?
Matinding usapin ang isyu ng flood control sa kasalukuyan. Isa ito sa maraming anomalya ng gobyerno na direktang nakaaapekto sa mga mamamayan. Bago nito, tila nasanay na rin ang mga Pilipino sa baha; hindi na sumisigaw ng pananagutan laban sa mga nakaupo na mapagsamantala. Subalit nang naungkat ang usaping ito, maraming malalaking pangalan ang lumitaw at nasangkot. Iba’t iba ang naging reaksyon ng publiko rito—mayroong mga humihingi ng hustisya at, nakalulungkot man, mayroon ding nasanay na lamang. Ayon sa ulat ng Philippine News Agency, sinabi ng Malacañang na nasa proseso na ang mga imbestigasyon at paglilitis sa korte na sumasaklaw sa mga ghost projects at substandard na mga proyekto.
Kahit saang aspeto man tingnan, hindi makatarungan na tipirin ang mga proyektong ang mga tao rin sa bansa ang gumagastos. Nakalahad sa Department of Budget and Management na isa sa mga pinanggagalingan ng pondo ng bansa ay mula sa mga kita sa buwis at mga non-tax revenues gaya ng mga nalilikom na pera mula sa mga korporasyong hawak o kinikita ng gobyerno. Ang mga suweldong pinaghirapan ng mga manggagawa ay binabawasan pa para sa mga tax na napupunta sa pera ng gobyerno. Bukod pa rito, sa bawat binibiling produkto o serbisyo sa pang-araw-araw na buhay ay mayroon ding kontribusyon sa tax na ito. Ang rason kung bakit hindi nasisimulan at natatapos ang mga plano para tuluyan nang malagpasan ang mga labis na pagbaha ay dahil binubulsa ito ng mga politiko at mapagsamantala.
Sa tuwing may ulan, marami ang nasasadlak sa mga problemang kaya namang iwasan. Ilan dito ay ang pagiging stranded, pagsasakripisyo ng mga gamit sa tuwing pinapasok ng baha ang mga kabahayan, kaso ng leptospirosis, at iba pa. Hindi pa ba sawa ang mga tao sa mga katiting na sikap at pawang mga pangakong napapako ng mga iniluluklok? Minsan, kahit kaunting hakbangin o programa ay hindi pa nararamdaman sa sakop nito.
Papayag na lamang ba na patuloy ang harap-harapang panloloko sa bawat mamamayang Pilipino? Hindi dapat maging normal ang mga gawaing sumasalungat sa progresibong Pilipinas. Tanggalin na sa sistema na kung may baha ay luha na lamang ang magagawa, dahil bilang komunidad, mayroong karapatan na pigilan ang ganitong karanasan. Hindi dapat makuntento sa bare minimum na ipinapakita. Kulang pa ang galit para sa mga panga-agrabyado. Pasiklabin pa ito at simulan ito sa pamamagitan ng pagboto nang tama. Sa pamamaraang ito, masisiguro ang mga lider na may puso at malasakit sa kapakanan ng mamamayan at ng bansa.
Isinulat ng: UST Nursing Journal
References:
Financing of National Government Expenditures. (n.d.). Department of Budget and Management. https://www.dbm.gov.ph/wp-content/uploads/2012/03/PGB-B5.pdf
Gita-Carlos, R. A. (2026, July 16). Palace: Flood control cases remain under investigation. Philippine News Agency. https://www.pna.gov.ph/articles/1279574

Comments