top of page
  • Jana Veronica Valdez

Gatas ng Ina: Sama-samang Pagtataguyod sa Kalusugan ng Ina at Anak


Layout by: Michaela Alyanna Dela Cruz


Ang buwan ng Agosto ay napakaespesyal sapagkat maliban sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika, iginugunita rin ang importansya ng pagpapalaganap ng kaalaman patungkol sa mga benepisyo ng breastfeeding o pagpapasuso para sa mas malusog na pamayanan.


Tunay na hindi biro ang pagbubuntis, panganganak, at lalo na ang pangangalaga sa isang munting sanggol. Para sa karamihan ng mga bagong ina, ang mga panahong ito ay puno ng pangangamba, kaya’t labis na mahalagang maipadama sa kanila ang suporta at tulong na kailangan nila.


Ang gatas ng isang ina ay itinuturing na ginto dahil sa maraming benepisyong hatid nito hindi lamang para sa anak, kundi pati na rin sa ina. Una sa lahat, taglay nito ang sapat na sustansya para sa pinakamainam na paglaki at pag-unlad ng bata sa unang anim na buwan ng buhay. Pangalawa, mayaman ito sa antibodies na nakakasigurong tumulong protektahan ang isang sanggol laban sa mga impeksyon at sakit. Pangatlo, tinitiyak nito ang mas mabilis at mabisang pagbuo ng emosyonal na ugnayan sa pagitan ng ina at sanggol. At panghuli, pagkatapos ng panganganak, ang pagpapasuso ay nakakatulong sa pag-contract o pagbalik ng laki ng matris sa dati nitong estado upang maiwasan ang postpartum hemorrhage o labis na pagdurugo pagkatapos manganak. Maliban sa hatid nitong mabuting kalusugan para sa bata at ina, ang pagpapasuso rin ay sulit at nakakabawas sa gastusin ng isang pamilya kumpara sa pagpapakain ng formula milk.


Ang mga benepisyong ito ang siya ring naging pundasyon ng Unang Yakap (First Embrace), isang kampanyang pinapangunahan ng Department of Health (DOH) at World Health Organization (WHO) sa pagpapatupad ng Essential Intrapartum Newborn Care (EINC) sa Pilipinas. Ang protocol na ito ay mahalaga upang matiyak ang mas maaga at epektibong pagpapasuso ng ina sa kanyang sanggol. 


Layunin ng National Breastfeeding Awareness Month na protektahan, isulong, at suportahan ang exclusive breastfeeding o pagpapasuso bilang pangunahing paraan ng pagpapakain sa mga sanggol sa unang anim na buwan (6 months). Kasunod na uri ng nutrisyon na ibibigay sa sanggol ay mga complementary food na tulad ng mga cereals at dinurog (puréed) na mga gulay, karne, o prutas hanggang sa ikalawang taon nito.  Tunay na maituturing itong makapangyarihang sandata laban sa mga suliraning hinaharap ng lipunan katulad ng child mortality at malnutrisyon. Sa pamamagitan ng pagdiriwang nito kada-taon, nabibigyan ang bawat mamamayan ng oportunidad na alamin at itaguyod ang mga wastong kaalaman patungkol sa pagpapasuso at magbigay-pugay at suporta sa mga magigiting na mga ina ng bayan.

Comments


Commenting has been turned off.
bottom of page